Sadyang naging mas maunlad na ang paraan ng pagtalakay ng mundo sa pagkawala ng saribuhay. Sa isang pandaigdigang pagpupulong tungkol sa saribuhay (ang ika-15 Kumperensiya ng mga partido sa U.N. Convention on Biodiversity) noong Disyembre 2022, itinakda ang kahalagahan ng lahat ng landscape para sa pagkonserba ng saribuhay.
Ang tila bahagyang hakbang na ito ay, sa katunayan, naglalarawan ng isang makasaysayang tagumpay. Noong una, madalas na itinuturing na mahalaga lamang para sa mga natural habitats at protected areas ang mga aksyong pangsaribuhay, at karaniwang hinaharap ang agrikultura bilang isang banta sa saribuhay sa mga nasabing lugar. Gayunpaman, sa isang mainam na pagwawasto ng Convention, nabigyan ng pangunahing importansya ang kahalagahan ng agricultural landscapes para sa pagkonserba ng saribuhay.
Sinasakop ng agrikultura ang halos 5% ng maituturing na produktibong lupa sa mundo, kaya naman sadyang kalugod-lugod ang pagkilala ng kahalagahan nito sa saribuhay. Sa buod, tinatawagan ngayon ng Convention ang mga bansa upang gamitin ang mga pamamaraan ng pangangasiwa ng kapaligiran na hindi lamang nagtitiyak ng produktibidad ng agrikultura, ngunit nagbibigay din ng mga kondisyon at tirahan na nagpoprotekta sa likas na saribuhay at nagbibigay-daan para sa migrasyon ng mga ilahas na hayop at halaman.
Magiging partikular ang pakinabang ng bagong Global Biodiversity Framework ng Convention sa Pilipinas. Isa ang Pilipinas sa 17 “mega-biodiverse’ na bansa sa buong mundo. Ang napakaliit na kapuluuan ng Kanlurang Karagatang Pasipiko ay naglululan ng halos limang porsyento ng terrestrial plant species sa mundo, at mayroong napakataas na antas ng endemism, salamat sa heograpo at pagkakabukod nito.
Subalit ang tunggalian sa paggamit sa lupa at pagpapalawak ng monocultural agriculture ang nagbabanta sa kaligtasan ng mga species — kasama na dito ang patuloy na pagsasagawa ng maraming kabuhayan sa kanayunan. Ang bansa rin ay lapitin ng mga sakuna tulad ng bagyo at pagguho ng lupa, at lumalala naman ang pag-iral ng climate change na may katambal na pagkasira ng ecosystem.
Samakatuwid, kailangang paigtingin ng Pilipinas ang kayamanan nito sa saribuhay upang magkaroon ang mga kabuhayan at landscape pangmatagalang kakayahang makabawi sa anumang pagsubok: at gawin ito nang agaran. Ang agroforestry – na ilang siglo nang isinasagawa ng maraming katutubong Pilipino upang masiguro ang pagkain at kita buong taon – ay nagbibigay ng kapanapanabik na landas pasulong, na maaari ring makatulong sa bansa upang makamit ang mga pandaigdigang layon tulad ng Paris Agreement on Climate Change at ang Global Biodiversity Framework ng UN.
Isinagawa ng Center for International Forestry Research–World Agroforestry (CIFOR-ICRAF) ang Integrated Natural Resource and Environmental Management Project (INREMP) upang tulungang patibayin ang climate resilience ng mga pamayanan sa matataas na bundok. Isa sa mga pangunahing bahagi ng proyekto ang paghahain ng mga likas-kayang pamamaraan ng pagpapanatili ng kagubatan tulad ng agroforestry, at maraming magsasaka na kabilang sa proyekto ang nagsimula nang isagawa ang mga ganoong pangangasiwa.
Ngayon, upang matulungang mas madalumat ng mga magsasaka, extension agent, at mambabatas sa Pilipinas ang potensyal ng mga nasabing paraan ng pangangasiwa, inilathala ng CIFOR-ICRAF ang salin sa Tagalog ng kanilang 2022 manwal sa agroforestry na pinamagatang ‘Agroforestry: Panimulang Aklat — Mga disenyo at prinsipyo ng pamamahala para sa tao at kapaligiran’.
Tulad sa Pilipinas, ang mga magsasaka sa maraming lugar sa mundo ay ilang milenyo nang nagsasagawa ng agroforestry dahil napatunayan itong isang likas-kayang paraan ng pamamahala ng lupa, pagtatanim ng halaman, paghahayupan, at pagsisigurado ng magandang kabuhayan para sa sambahayan ng magsasaka. Pormal na kinilala ng mga dalubhasa ang maraming kapakinabangan ng agroforestry simula noong 1970s. Ngayon, lumalahok na ito sa ‘mainstream’ na usapin tungkol sa mga paraan kung paano makatutugon sa hamon ng climate change, maibabalik ang nawalang saribuhay, at matitiyak ang seguridad sa pagkain. Maraming organisasyon ngayon ang nagmumungkahi nito bilang isang instrumento para sa pagpapanumbalik ng landscape.
Gayunpaman, bilang pagbibigay-diin ng mga may-akda ng manwal, ang agroforestry ay hindi isang simpleng techno-fix, o “pagdaragdag lamang ng mga puno sa bukid.” Upang matamo ang isang likas-kayang pagbabago tungo sa biodiverse, panlahatan, matibay sa mga hamon, at ligtas na sistema ng pagkain, ang mga tagapagtaguyod ng agroforestry ay kailangang magbigay ng atensyon sa kita, kabuhayan, at insentibo ng mga magsasaka.
“Nakikita namin na maraming tree planting projects ang nagbibigay-diin sa pagtatanim ng mga puno sa halip na sa pamamahala ng mga ito,” wika ng co-editor Anja Gassner, Direktor ng CIFOR-ICRAF Europe. “Kadalasan, itinuturing ang mga magsasaka bilang benepisyaryo ng agroforestry at restoration projects sa halip na bilang mga katuwang – at ang kanilang mga pangangailangan, mithi, at kapasidad ay hindi nabibigyan ng sapat na pansin.”
Dahil dito, isinulat ang publikasyong ito: hindi upang magbigay ng isa na namang ‘how-to’ na manwal na nagpapanukala ng technology packages, bagkus bilang isang gabay upang matulungan ang mga magsasaka at mga tagasuporta nila na linangin ang kanilang kakayahan sa pagsasagawa ng mga prinsipyo ng agroforestry sa konteksto ng kanilang lokal na kondisyon — pagtugon sa kanilang mga personal na layon at mithi. Layunin nitong gabayan ang mga propesyunal na sumusuporta sa mga magsasaka upang maisagawa ang agroforestry, tulad ng extension workers, planners at managers, mananaliksik, trainers, guro at mag-aaral ng agroforestry, at mga dalubhasa na gumagamit ng agroforestry sa kanilang mga proyekto at programa.
Naglalaman ang publikasyon ng mga kontribusyon mula sa mga nangungunang agroforestry expert practitioners sa iba’t ibang bahagi ng tropiko. Sinasaklaw nito ang pangunahing bahagi sistema ng agroforestry; kung paano isinusulong ng agroforestry ang kalusugan at pagkonserba sa lupa; mga prinsipyo ng disenyo sa agroforestry; pagko-co-design at pagtatatag ng agroforestry practices; planting material; at pamamahala sa mga puno. Inilalarawan din dito ang genetic characteristics ng iba’t ibang karaniwang agroforestry practices, tulad ng annual crops kasama ng mga puno; mga alagang hayop kasama ng mga puno; multistrata perennial agroforestry; cacao agroforestry; oil palm agroforestry; at rainforestation farming. Sa huli, inihahandog nito ang serye ng mga synthetic case studies na naglalarawan kung paano naisagawa ng mga magsasaka, at mga sumusuporta sa kanila, ang mga prinsipyo at konsepto na inilatag sa manwal.
“Nilalayon ng gabay na ito na higit pang ipaliwanag ang mga prinsipyo ng agroforestry nang sa gayon mas maraming tao ang magsasagawa nito, hindi lamang bilang isang likas-kayang sistema ng pagsasaka, kundi bilang isang hakbang upang maibsan at makaangkop sa climate change,” wika ng dating Direktor ng Forest Management Bureau ng Pilipinas, Tirso Parian. “Harinawa, maisakatuparan ng manwal ang layon nito—hikayatin at gabayan ang mga magsasaka at practitioner ng agroforestry, pati na rin ang iba pang interesadong stakeholders.”
We want you to share Forests News content, which is licensed under Creative Commons Attribution-NonCommercial-ShareAlike 4.0 International (CC BY-NC-SA 4.0). This means you are free to redistribute our material for non-commercial purposes. All we ask is that you give Forests News appropriate credit and link to the original Forests News content, indicate if changes were made, and distribute your contributions under the same Creative Commons license. You must notify Forests News if you repost, reprint or reuse our materials by contacting forestsnews@cifor-icraf.org.